Programa ng Kuwaresma 2012

Inilabas kamakailan ng Parokya ni San Francisco de Asis, sa pakikipagtulungan ng Cofradia de la Santa Vera Cruz, ang programa ng mga gawaing pamparokya para sa panahon ng Kuwaresma. Kaalinsabay ito ng mga pagdiriwang ng Jubileo kaugnay ng ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng Diyosesis ng Malolos, kung saan kabilang ang Meycauayan. 

Ang tema ng pamparokyang pagdiriwang ng mga Mahal na Araw ay Ang Alagad ay Katiwala. Para matunghayan ang buod ng mga gawain, o mag-download ng kopya ng programa sa PDF format (nangangailangan ng Adobe reader), mangyaring tumalon sa susunod na bahagi ng post na ito.

Primera Salida sa Taong 2012

Kaugnay ng Ebanghelyo sa darating na Linggo, ang ikalawa sa panahon ng Kuwaresma, malugod na ipinababatid ng Cofradia de la Santa Vera Cruz ng Meycauayan na sa taong 2012, isa na namang bagong tagpo ang maidadagdag sa humahabang hanay ng mga imaheng pamprusisyon ng Parokya ni San Francisco ng Assisi. Ito ay ang tagpo ng Pagbabagong-anyo ni Jesus, na sa wikang Ingles ay mas kilala bilang Transfiguration

Ipinakikita sa tagpong ito kung papaanong nasaksihan ng mga alagad niyang sina Pedro, Santiago at Juan na nagbagong-anyo si Kristo sa Bundok ng Tabor. Nakita nila siya sa gitna nina Moises, na siyang tumanggap ng Sampung Utos, at Elias, ang propeta sa Lumang Tipan na iniakyat sa langit sa pamamagitan ng isang ipoipo.  

Ang tagpong ito ay pagmamay-ari ni G. A.D. Acebedo at Pamilya na mula sa St. Michael Subdivision. Ang mga imahen nina Jesus, Moises at Elias ay gawa ng batikang iskultor na si Maestro Nick Lugue ng Apalit, Pampanga, samantalang ang mga imahen ng mga apostoles at ang mga damit ng mga imahen ay likha ni G. Jodee Jose ng Sta. Maria, Bulacan. Ang karo naman ay nililok ni Maestro Rey Cayanan ng Bacolor, Pampanga. Bukod sa Mahal na Araw, ilalabas din ang tagpong ito sa Prusisyon ng mga Misteryo ng Santo Rosario sa Oktubre bilang ikaapat na Misteryo ng Liwanag. Ang primera salida ng mga imahen ay sa darating na Miyerkules Santo.      

Tumalon sa susunod na bahagi ng post na ito para makita ang larawan nina Kristo, Moises at Elias. (Larawang kuha nina Joseph Javate at A.D. Acebedo)

Ang Daan ng Krus ayon sa Meycauayan

Larawang kuha ni Angel Barazon Sales
Ang panahon ng Kuwaresma ay panahon din ng sining at tradisyon, na higit sa pagiging saksi sa mayamang kalinangan ng bayan ng Meycauayan ay patunay din sa mga paghahalaga ng kanyang mga mamamayan. 

Isa sa mga tradisyong ito ay ang Via Crucis, na sa panahong ito ay nasimulan o sisimulan na sa bawat barrio ng Parokya at magpapatuloy sa buong panahon ng Kuwaresma. Ilang araw bago ang Semana Santa, isasagawa ang Chapel-to-Chapel na Daan ng Krus at sa mismong umaga ng Biyernes Santo ay ang pamparokyang Via Crucis na magtatapos sa patyo ng Simbahan.   

Sinasalamin ng mga karo ng Cofradia ang kahalagahan ng Daan ng Krus sa liturhiya ng Kuwaresma. Sa kasalukuyan, 11 sa 14 na estasyon ng Krus ang ipinuprusisyon kapag Biyernes Santo. Kung ikaw ay tubong Meycauayan o kasapi ng Parokya ni San Francisco at nais mong tumulong para buuin ang Daan ng Krus sa pamamagitan ng pagpapagawa ng mga nalalabing mga tagpo, maaari kang makipag-ugnayan sa Cofradia para sa iba pang mga detalye.        

Maaaring tumalon sa susunod na bahagi ng post na ito para matunghayan ang mga tagpo ng Daan ng Krus na kasama na sa prusisyon ng Meycauayan. (Larawang kuha ni Robby dela Vega)